paglubog ng araw sa Gitnang Silangan.
Hindi ko mapigil ang aking lungkot,
pati ang kaba at ang aking takot.
Sa lumipas na taon ng pagtatrabaho,
tangi kong kapiling sa pagtulog ko,
larawan ni bunso sa aking tabi,
na s’yang niyayakap habang humihikbi.
Nang siya ay iniwan ng ako ay umalis,
tangi nyang nabanggit “papa ika’y mami-miss”.
Katagang nanggaling sa aking bunso,
sa kanyang tinuran sa puso ko’y tumimo.
Lagi na sa tuwina ang tanging paraan,
upang kaming dalawa ay magkamustahan.
Sa pagtawag sa kanya paminsan minsan,
lungkot na nadarama kahit paano’y naiibsan.
Kung kami’y nag-uusap ang lagi nyang bilin,
bagong sapatos na tanging hiling.
At lagi kong sagot sa aking bunso,
oo anak ko ‘yan ay pangako.
Ngunit sadya yatang mapagbiro ang tadhana,
dahil ako ngayon ay nagkasakit na.
Sa labis na trabaho katawan ay bumigay,
sakit na nagpahina sa lakas kong taglay.
Masakit na balita ang aking nalaman,
wala na raw lunas sakit na karamdaman.
Ang sabi ng doctor na sumuri sa akin,
sakit mo’y malubha yan ang aking tingin.
Bakit ganito ang aking sinapit,
tanong sa sariling aking nasambit.
Paano na si Bunso kung ako’y mawala,
sino sa kanya ang mag-aaruga.
Sa maliit kong kwarto sa kama’y nakahiga,
laging nakatanaw sa labas ng bintana.
Paglubog ng Araw aking minamasdan,
tulad ng aking buhay na malapit ng pumanaw.
Hinihintay ko na lang ang aking paguwi,
sa bayang sinilangan ng aking mga lahi.
Sapatos ni Bunso na lagi nyang hiling,
di ko kinalimutang ito ay bilhin.
Ilang araw ang lumipas mula ng umuwi,
katawan ay humina, lakas ay napawi.
Alam kong ako ay magpapaalam na,
kay Bunso na sa akin ay nakayakap pa.
Buhay ng tao ay sadya bang ganyan,
hindi mo alam kung ano ang hangganan.
Parang ang araw na lagi kong minamasdan,
Na nawawala rin paglubog sa karimlan.