Ang Kwentong etoh ay padala ng Isang OFW mula sa Saudi!
Ako ay nagtatrabaho sa Saudi bilang Clerk sa isang Telecom Company. Alhamdulillah, ang matanggap sa trabahong ito kahit maliit ang sahod ay isang napakalaking biyaya na ibinigay sa akin ng ALLAH SWT.
Isa ito sa katuparan ng aking mga pangarap na inaakala ko noong isang suntok sa buwan. Tama nga sila, walang imposible basta masipag ka lang at handa kang magsakripisyo. Nag-aapply pa lang ako noon papunta sa bansang ito, batid ko ng hindi ganun kadali ang kakaharapin kong mga hamon sa buhay.
Aminado ako na kailangan kong magpakatatag dahil nakaamba na ang mas maraming pang pagsubok na aking papasanin sa susunod na mga araw. Sa loob ng dalawang buwan buhat ng ako ay dumating dito, iba’t-ibang kwento ng pagsubok ang aking almusal, tanghalian, at hapunan na siyang bumubuo sa bawat pahina ng aking buhay.
May matamis, maalat, at katamtaman ang timpla, ngunit madalas ay mapait. Minsan sa sobrang pait ay mas pipiliin mong iluwa ngunit hindi pwedi dahil naisubo mo na. May mga pagkakataon na gusto ko ng sumuko, na isantabi ko na lang ang aking matayog na pangarap at umuwi na lang sa bansang madalas ituring na tahanan ng kahirapan. Ito yung mga oras na pinanghihinaan ako ng loob na ipaglaban ang aking mga pangarap, mga sandaling napapaisip ako kung tama ba ang desisyong pinili ko. Ito ang mga panahong hirap akong intindihin kung bakit sa kabila ng pagsisikap ko ay bigo pa rin akong makamit ang aking minimithi, mga panahong para akong binabangungut sa gabi.
Gusto kong magising ngunit hindi pwedi dahil ako ay nakagapos at ang tanging magagawa ko ay hintayin ang pagsikat ng araw at umasang makamtan ang buhay na inaasam. Sa kabilang banda, nasaksihan ko din ang bawat paghihirap at hinagpis ng aking kapwa OFW. Hindi pala ako nag-iisa. Sa bawat pagpatak ng pawis mula sa kanilang pagal na katawan at sa bawat masasakit na salita na kanilang natanggap mula sa kanilang amo (mas masakit kapag kapwa Pilipino din) ay namamayani pa rin ang pasasalamat at kagalakan. Pilit pa ring nangingibabaw ang kanilang katatagan. Ang mahalaga, may maipadalang salapi sa kanilang pamilya sa Pilipinas tuwing katapusan ng buwan. Marahil tama ang karamihan, hindi nga ganun kadali ang magtrabaho at mamuhay sa ibayong dagat. Alam kong ang mga nabanggit kong suliranin ay hindi na bago sa bawat OFW, hindi man ito nararanasan ng lahat, batid ko na karamihan sa atin ay minsang pang dumaan sa ganitong sitwasyon.
Sa loob ng dalawang buwan, marami-rami na din akong nakilalang kapwa mga Pilipino dito. Iba-iba man ang propesyon, tribu, at probinsiyang pinanggalingan ngunit kami ay pinagbubuklod ng hangaring makamtan ang pangarap ng bawat isa. Mayroon na din akong iilang mga kaibigan dito, mga idol ko na pilit inuunawa ang bawat galaw at salitang aking binibitawan. Sila yung mga humalakhak sa bawat hirit ko at pilit na tumatawa sa bawat sablay na “hugot”. Sila yung madalas kong kasama uminom ng kapeng barako ngunit minsan, nagsasawa na din akong magkape dahil alam ko na kahit ilang baso pa ang maubos ko, hinding hindi pa rin ako magising sa masakit na katotohanan.
Alam kong madalas ninyong tanungin ang inyong mga sarili, ito ba ang buhay na gusto ko, ito ba ang landas na dapat kong tahakin? Maaring para sa karamihan, isa lamang itong ordinaryong tanong ngunit bakit mahirap hagilapin ang sagot. Minsan ko na din tinanong ang aking sarili ng parehong katanungan at masaya akong aminin na positibo ang aking kasagutan. Masaya ako kasama ng mga bagong kaibigan at kuntento ako sa buhay na meron ako.
Mas higit akong dapat magpasalamat dahil nagkaroon ako ng mga kaibigang hindi sinukat ang pagkatao ko base sa aking mga sugat at pasa kundi tinanggap nila ako ng buong puso sa kabila ng mga pagkukulang ko. Maraming salamat sa aking kapwa OFW, lagi nating alalahanin na sa bawat pagsubok na ating pinapasan, nariyan lagi ang ALLAH SWT na handang gumabay sa atin. Learn to live a life in which gratitude is not an option, ALHAMDULILLAH!
Sa mga nais magpadala ng kanilang KwentongOFW pakibisita pakibisita nalang po eto. SUBMIT YOUR STORY