Pinay DH na tumalon sa 5 palapag na gusali sa Saudi, kritikal; Ama, humingi ng tulong sa Bombo
KORONADAL CITY – Emosyunal na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal ang ama ng isang Pinay Domestic helper na umano’y tumalon sa 5 palapag na gusali sa Riyadh, Saudi Arabia at nasa kritikal na sitwasyon sa ngayon.
Kinilala ang Pinay DH na si Gina Uday Monpon, 28 anyos, mula Brgy. Kematu, Tboli, South Cotabato, may asawa at 3 anak.
Sa salaysay ng kanyang ama na si Federico Monpon, kahapon lamang nila nalaman ang nangyari kay Gina matapos na ipinaalam ng kaibigan nito.
Ayon kay Federico,limang buwan pa lamang na nagtatrabaho sa nasabing bansa si Gina kung saan wala naman umano itong naging problema sa kanyang employer.
Noong nakaraang linggo umano ay naospital ang isa sa kanyang 3 anak at doon na nagsimula ang problema ni Gina at sinasabi sa amang uuwi na lamang ito dahil naaawa sa mga anak.
Base sa impormasyon na kanilang natanggap nakita na lamang si Gina na naglalakad sa 5th floor ng gusali na pinagtatrabahuan nito hanggang sa tumalon ito.
Ngunit sa salaysay ni Gina, wala umano siya sa sarili noon dahil natutulog siya at hindi alam ang ginagawa.
Tinangka pa sana siyang sagipin ngunit hindi na naagapan ng mga pinoy na nakakita sa kanya.
Nagtamo naman ng bali sa paa at spinal cord si Gina na agad na dinala sa isang ospital sa nabanggit na bansa.
Sa ngayon ay hindi pa isinailalim sa operasyon si Gina dahil ayaw umano akuin ng employer nito ang gastos.
Kaya’t umiiyak na nanawagan sa Bombo Radyo ang kanyang ama na tulungan ito.