Sa lahat ng mga OFW na kasalukuyang nasa mga Quarantine Facility
Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay humihingi po ng pang-unawa sa inyong lahat na kasalukuyang nasa mga quarantine facility at hindi pa makauwi sa inyong mga pamilya. Hangad po ng OWWA na kayo ay makauwi na sa inyong mga pamilya sa lalong madaling panahon, subalit may mga panuntunan po tayo na dapat sundin upang masiguro na hindi makararating sa inyong mga tahanan ang sakit na dulot ng COVID-19.
Sa kasalukyan po ay may isang-daan at sampung (110) quarantine facility na minomonitor ang OWWA sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, kung saan may mahigit 9,000 OFWs ang pansamantalang nanunuluyan. Sinisikap po ng OWWA na, sa kabila ng banta ng COVID-19, ay patuloy na makapagserbisyo sa inyong lahat.
Tayo po ay nahaharap sa isang ekstra-ordinaryong sitwasyon na nangangailangan ng ekstra-ordinaryong tugon. Ang pagkalat ng sakit na COVID-19 ay maiiwasan natin kung lahat tayo ay makikiisa.
Para po sa kaalaman ng lahat, narito po ang mga panuntunang kailangang sundin bago makauwi ang isang OFW sa kaniyang pamilya.
Ayon sa IATF Resolution Nos. 26 and 29, series of 2020, at sa Department of Health Memorandum Order No. 0200-2020, kailangang (1) maka-kompleto ng 14-day mandatory quarantine at (2)mag-negatibo sa RT-PCR COVID-19 swab test ang isang OFW bago siya pahintulutang makauwi sa kaniyang pamilya.
Ang labing-apat na araw po ay ang minimum na bilang ng araw na itinalaga ng DOH para sa mandatory quarantine upang obserbahan ang isang tao na maaring na-expose sa COVID-19 virus. Batid po ng OWWA na marami sa inyo ang mahigit o lagpas na sa 14 days ang inilagi sa quarantine facility at labis na ang pananabik sa inyong mga mahal sa buhay. Ang Philippine Coast Guard (PCG) po ay nagsimula ng magsagawa ng mass testing. Antabayanan lamang po natin ang pagdating ng PCG sa inyong tinutuluyan upang magsagawa ng RT-PCR covid-19 swab test sa inyo.
May mga karagdagang Swabbing Center din po na magiging operational sa mga darating na araw. Posible din po na maghahanda tayo ng karagdagang mga bus para maghatid-sundo po sa inyo patungo at mula sa mga Swabbing Center.
Ang resulta ng swab test ay lalabas po sa loob ng 3 hanggang 4 na araw mula sa pagsagawa ng test. Kung ang resulta ng swab testing sa inyo ay negatibo, gagawaran po kayo ng dalawang certificate — certificate ng completion ng 14-day quarantine mula sa OWWA, at certificate ng negative RT-PCR test results mula naman sa PCG –- mga patunay na nakompleto ninyo ang takdang panahon ng mandatory quarantine at nag-negatibo ang resulta ng swab testing sa inyo.
Maging kalmado lang po and stay fit and healthy. Dapat po ay nasa mabuting kalagayan ang kalusugan at sentido po natin, bilang paghahanda sa pag-uwi po natin sa ating mga mahal sa buhay.
Salamat po sa pag-uunawa.
Source : OWWA