Umabot na sa mahigit kalahating milyong overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang Covid-19 ang napauwi na ng pamahalaan, pahayag ng labor department nitong Linggo.
Sa ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration head Hans Leo Cacdac na 502,581 OFW ang ligtas na naiuwi sa kani-kanilang probinsiya matapos sumailalim ng Covid tests at quarantine protocols sa iba’t ibang hotel.
Binubuo ng 1,471 OFW ang huling batch na nakauwi sa kani-kanilang tahanan nitong Sabado de Gloria.
Sa hiwalay na ulat ng DOLE-International Labor Affairs Bureau (ILAB), may 645,071 OFW ang naapektuhan ng pandemya at 627,576 sa mga ito ang nawalan ng trabaho. Ayon kay ILAB Director Alice Visperas, 49,698 na OFW na nawalan ng trabaho ang humiling na makauwi ng bansa samantalang 75,297 ang piniling manatili sa kani-kanilang lugar.
Batay sa record ng ILAB, tumaas ang bilang ng OFW na nahawahan ng sakit. Nitong Abril 4, nagtala ito ng 17,495 kompirmadong kaso ng Covid ng mga OFW batay sa ulat ng 40 Philippine Overseas Labor Offices mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa nasabing bilang, 10,155 ang gumaling, samatalang 938 naman ang nasawi.
Sinabi ni Bello na patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga nawalan at apektadong OFW.
“Hindi tatalikuran ng pamahalaan ang pangako nito na bibigyan ng kinakailangang tulong ang ating mga OFW. Patuloy natin silang tutulungan hangga’t kakailanganin nila,” wika ni Bello.
Sa ngayon, umabot na sa P5.043 bilyon ng DOLE-AKAP ang naipamahagi sa 497,122 OFW, aniya.
Ang AKAP ay isang beses na tulong pinansiyal na $200 o P10,000 bawat kwalipikadong apektado o nawalan ng trabahong OFW.
Maliban sa AKAP, nagbigay din ng tulong-pinansiyal, pagkain at medikal ang DOLE sa mga OFW na nagkasakit ng COVID. Sa ngayon, umabot na sa kabuuang $1.93 milyon tulong-pinansiyal ang naibigay sa mga OFW na may COVID, at $2.6 milyon naman ang naipamahagi para sa pangangailangang medikal at pagkain ng 124,945 OFWs. Via DOLE